Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority nitong Miyerkules na hindi nito sususpendihin ang number coding scheme sa Metro Manila kasabay nang ikinasang tigil-pasada ng ilang transport group na gagawin sa December 14 at 15.
Ang pahayag ay isinagawa ni MMDA acting chief Don Artes.
Nitong Martes, inanunsyo ng grupong PISTON na itutuloy nito ang nationwide transport strike Huwebes at Biyernes upang iprotesta ang hindi na pagpapalawig ng deadline ng consolidation ng public utility vehicles sa December 31, 2023.
“Walang malinaw na batayan ang gobyerno para ipagpilitan ang deadline. Lalo lang nila papatayin ang mamamayan,” saad ng PISTON sa isang social media post.
Kung matatandaan, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na napagkasunduan na sa isang pagpupulong kasama ang mga transport officials na hindi na palalawigin pa ang December 31, 2023 deadline para sa PUV consolidation.
Sabi pa ng Pangulo, nasa 70 percent ng PUV operators ang nagpahayag na ng kanilang pagpayag para sa Public Utility Vehicle Modernization Program.
“Dahil sa pahayag ni Marcos Jr, lalong lumakas ang dahilan para ituloy ang welga. Panawagan namin sa lahat ng mga JODA (Jeepney Operators and Drivers Association) at maging sa mga komyuter, sama-sama tayong kumilos at igiit ang pagbabasura sa deadline at sa sapilitang franchise consolidation,” saad ng PISTON.