Sinintensyahan ng isang korte sa Thailand ng anim na taong pagkakakulong ang isang mambabatas dahil sa pag-insulto sa hari ng bansa, ayon sa partido ng nagkasala.
Napatunayang nilabag ni Rukchanok Srinork ng Move Forward Party ang batas sa lese majeste pati na ang Computer Crimes Act dahil sa pag-post ng dalawang mensahe sa X, ang dating Twitter.
Tig-tatlong taong pagkakakulong ang parusang ipinataw sa kanya sa bawat paglabag ng dalawang batas, pahayag ng lider ng MFP na si Chaithawat Tulathon, ayon sa Agence France-Presse.
Ang 29 anyos na si Srinork ay humiling na makapagpiyansa sa halagang 300,000 baht.
Magdedesisyon ang korte sa hiling kahapon at kung hindi payagang magpiyansa ay matatanggal siya sa parliamento.
Nakilala si Srinork sa pagbibisikleta paikot ng napakatrapik na Bangkok nang siya’y mangampanya para sa halalan nitong Mayo.
Ang batas sa lese majeste ay nagsisilbing proteksyon ni Haring Maha Vajiralongkorn at kanyang pamilya laban sa pamumuna at nagsisilbi itong pampatahimik ng mga kritiko ng hari.
Ang Computer Crimes Act naman ay sinasabing kumikitil ng malayang pagpapahayag.
Bukod kay Srinork, may mga 250 aktibista ang nakulong dahil sa lese majest pati na si Anon Numpa, ang abugado ng mambabatas.