Bagaman nagkaroon na ng kasunduan sa kapayapaan ang pamahalaan at rebeldeng Muslim o Moro Islamic Liberation Front, hindi pa tapos ang labanan sa Mindanao. Ang bakbakan at ratratan ng mga tropa ng pamahalaan at mga terorista ng Dawlah Islamiyah sa Maguindanao del Sur nitong Disyembre 7 hanggang 9 ay patunay na may mga gusto pang manggulo sa rehiyon.
Ang nasabing grupo rin ang nasa likod ng pambobomba sa Marawi State University na ikinasawi ng apat na mamamayan at ikinasugat ng maraming iba pa. Ibig sabihin nito, maaasahan pa ang mga pag-atake, pag-ambush at pambobomba mula sa mga terorista.
Walang sinasanto ang mga panatikong miyembro ng Dawlah Islamiyah na idinadaan sa dahas ang pagsusulong ng kanilang ideyolohiya. Kahit mga MILF at kapwa Muslim ay sinugod at binanatan nila. Ayon sa mga ulat, ang mga MILF ang nagturo sa kanila sa militar kaya nila inupakan ang ngayong hukbo ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao.
Siyam na sundalo ng Bangsamoro Islamic Armed Forces ang napatay sa atake ng Dawlah Islamiyah sa mga BIAF sa Barangay Dalgan, bayan ng Pagalungan, pahiwatig na malakas ang pwersa ng kalaban at mga armas nila. At isinagaw nila ang atake sa MILF habang nakikipaglaban sa mga tropa ng pamahalaan.
Malupit ang mga terorista dahil napatay nila ang isang commander ng BIAF at isang sanggol, Nanunog rin sila ng mga bahay.
Bagaman nalagasan ng ilang miyembro ang Dawlah Islamiyah, hindi pa masasabing buwag na ito dahil hinihikayat nila ang mga tao na sumanib sa kanila. Sa katunayan, kaya sila inupakan ng Philippine Army ay natunugan silang nagre-recruit ng bagong miyembro sa Sitio Wata sa bayan rin ng Pagalungan.
Kung gaano kalaki ang pwersa nila ay hindi pa batid. Ngunit sa patuloy nilang pakikipaglaban, ibig sabihin ay handa sila sa engkwentro at hindi takot maubos.
Yaman din lamang na tinabla ng Dawlah Islamiyah ang MILF or BIAF, maiging magsanib pwersa ang hukbo ng BARMM at ng pamahalaan para mapadali ang paggapi sa mga terorista. Two heads are better than one, ika nga.
Hindi lamang sa pakikipaglaban na dapat magkasangga ang militar at BIAF. Dapat ring magkaagapay ang dalawang pwersa sa pakikipag-ugnayan sa mga taumbayan upang hindi sila malinlang na magpaka-terorista na rin. Siguro naman mas madaling magagawa ito ng BIAF dahil kapwa nila Muslim ang kinukuha ng Dawlah Islamiya.
Hanggang hindi nawawala ang mga nalilinlang ng Dawlah Islamiyah na sumanib sa kanila at dumagdag sa kanilang pwersa, kailangang magtulungan ang militar at BIAF sa pag-ubos ng mga terorista. Dapat silang magkasangga habang may banta sa seguridad upang mas madaling labanan ang mga armadong bandido sa Mindanao.