Inihayag ng Philippine National Police nitong Miyerkules na pormal nang kinasuhan ang apat na indibiduwal na umano’y may kaugnayan sa nangyaring pamamaslang sa isang mag-live in partner sa loob ng isang bus na bumibiyahe sa Nueva Ecija.
Ayon sa mga ulat mula sa Nueva Ecija Police Provincial Office, sinabi nito na batay sa kanilang imbestigasyon ay ay lumalabas na isang gun-for-hire na nag o-operate sa Nueva Ecija at Isabela ang sa sa mga gunman sa nasabing krimen na kinilalang si Allan Delos Santos.
Sinabi naman ni NEPPO director PCol. Richard Caballero na naaresto si Delos Santos sa Dilasag, Aurora noong Nobyembre 20, 2023 sa bisa ng warrant of arrest na may kaugnayan naman sa kasong statutory rape at sexual assault na kaniyang kinasasangkutan.
Dagdag pa niya, nang masakote ang gunman ay inamin nito sa kanyang extra-judicial confession na ang utak pala sa likod ng nasabing krimen ay ang mismong anak na lalaki ng babaeng biktima.
Batay sa kaniyang salaysay, mismong ang anak ng biktima ang kumuha sa kanya para gawin ang nasabing krimen kapalit ng P60,000.
Dahil dito, nahaharap ngayon sa criminal complaint para sa two counts of murder si Delos Santos, kasama ang isa pang gunman na kinilalang si Romelito Fabianes o alyas Umpak, ang mastermind sa nasabing kaso na anak ng babaeng biktima, at maging ang kaniyang kinakasama na inihain naman ng kapulisan sa prosecutor’s office sa Nueva Ecija.
Samantala, sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang manhunt operation ng PNP laban sa isa pang gunman sa nasabing krimen.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ni Police Regional Office Central Luzon Police director PBGen. Jose Hidalgo na bagama’t case solved na ito ay hindi pa rin ganap na isasara ng mga otoridad ang nasabing kaso hangga’t hindi pa nahuhuli ang iba pang sangkot sa nasabing krimen.
Kung maaalala, nagimbal ang lahat matapos na kumalat ang video ng CCTV footage sa loob ng bus na kinalululanan ng dalawang biktima ang aktong walang habas na pamamaril ng anim na beses sa ulo at leeg sa dalawa ng dalawang gun man na kapwa nagpanggap na mga pasahero.
Magugunitang batay din sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, may matagal nang alitan ang mag-ina bago mangyari ang naturang krimen.