Inihayag ng mga opisyal nitong Miyerkules na dumating na sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 sakay ng Philippine Airlines alas tres ng madaling araw ang 12 overseas Filipino worker mula sa Israel.
Ayon sa pahayag, ang grupo ay ang ika-12 batch ng OFWs na boluntaryong nag-avail ng repatriation program ng gobyerno at siyam sa mga ito ay caregiver at habang ang tatlo naman ay mga hotel workers.
May kabuuang 374 na mga OFW ang nakabalik sa ngayon mula nang sumiklab ang labanan sa pagitan ng Israel at Palestinian militant group na Hamas noong October 7, 2023.
Samantala, nagbabala ang Department of Migrant Workers laban sa recruitment scheme kung saan ang mga overseas Filipino workers ay ilegal na nagtatrabaho sa isang transit country imbes na sa original destination nila.
Ayon kay DMW officer-in-charge Hans Cacdac, ang ganitong pamamaraan ay maaaring maging isang malaking gulo para sa mga OFW at dagdag niya, may mga pagkakataon na ang ilang mga OFW na may reentry visa sa Saudi Arabia ay nananatili muna sa Pilipinas para magbakasyon at kalaunan ay magbo-book ng flight pabalik sa Saudi Arabia na may layover sa Dubai.
Pero sa halip na sumakay sa flight papuntang Saudi Arabia, ang mga OFW na ito ay nananatili sa Dubai para maghanap ng ibang trabaho.
Sabi pa ni Cacdac, maglalabas ang kagawaran ng advisory hinggil dito ngayong araw.
Matatandaan na noong Oktubre, 95 na distressed Filipino mula sa Saudi Arabia ang humingi ng repatriation mula sa gobyerno ng Pilipinas at binigyan naman sila ng cash assistance at medical check-up.