Iniulat ng mga otoridad nitong Martes na ang isa sa dalawang suspek sa nangyaring pamamaril sa loob ng isang pampasaherong bus sa Nueva Ecija noong nakaraang buwan ay hawak na ngayon ng pulisya.
Ayon sa mga ulat mula sa Central Luzon Police, noong November 20 pa umano naaresto ang nasabing suspek.
Batay sa imbestigasyon, ang dalawang itinuturong gunmen, isang hindi pa nakikilalang driver, ang anak ng biktima at ang live-in partner nito ay sinampahan na ng two counts ng murder sa prosecutor’s office sa Nueva Ecija noong Lunes.
Inilabas rin ni PCol. Richard Caballero ang mga detalye umano sa nangyaring pamamaril, mula sa pagpaplano hanggang sa pagpatay at kung paano nasangkot ang anak ng babaeng biktima at live-in partner nito.
Ayon sa pahayag, noong Pebrero 2023 ay naiulat na ninakaw umano ng anak ng babaeng biktima ang isa sa mga sasakyan nila at noong Abril 2023 ay pinasok rin ng mga suspek ang bahay nila sa Cauayan, Isabela at kinuha ang mga titulo ng lupa at halagang umaabot sa P2 million.
Kaagad namang sinampahan ng biktima ng kasong robbery at carjacking ang mga suspek at isang warrant of arrest ang inilabas noong Setyembre.
Nagpiyansa ang dalawang suspek noong Setyembre, at sa panahong ito umano nagsimula ang planong pagpatay sa mga magulang.