Tinamaan ng missile at nagkasunog sa isang barkong naglalayag sa may Red Sea nitong Lunes.
Inamin ng mga rebeldeng Huthi sa Yemen na sila ang tumira sa Strinda dahil sa umano’y karga nitong langis na dadalhin sa Israel.
Naapula ng mga marino ang apoy at wala sa kanila ang nasaktan, ayon sa may-ari ng barko na si J. Ludwig Mowinckels Rederi.
Sinabi ng tagapagsalita ng Huthi na may kargang langis para sa Israel ang Strinda kaya nila ito tinira.
Dumaraan ang barko sa Bab-el-Mandeb na nasa pagitan ng Yemen at northeast Africa nang ito’y tirahin ng missile.
Pinabulaanan ni Reneri ang mga paratang. Sinabi ng may-ari ng barko na patungo ito sa Suez Canal at hindi sa Israel.
Wala rin itong kargang langis at sa halip ay feedstock para sa biofuel ang dinadala ng Strinda sa Italya galing sa Malaysia.
Ang pag-atake ng mga Huthi sa mga barkong patungong Israel ay bilang tulong umano nila sa mga teroristang Hamas sa Gaza na nakikidigma sa mga pwersang Israeli.
Sa post ng mga Huthi sa social media nitong Sabado, sinabi nilang pipigilin nila ang mga barkong patungo sa Israel kung hindi dadalhan ng pagkain at gamot ang mga Palestino sa Gaza kung saan naglalabanan ang mga teroristang Hamas at pwersang Israeli.