Tinukoy ng mga otoridad nitong Huwebes na isa umano sa mga suspek sa likod ng pagpapasabog sa gym ng Mindanao State University noong Linggo na ikinasawi ng marami at ikinasugat pa ng 50 katao ay isa umanong mag-aaral ng MSU at bagong graduate nito.
Kinilala ang suspek na si Kadapi Mimbesa na kilala din bilang si alias ‘Engineer’ na siya umanong may bitbit ng bag na naglalaman ng bomba bago mangyari ang pagsabog.
Ayon sa ulat, mukha umanong ‘tense’ si Mimbesa noong Linggo habang nasa gym at abala sa kanyang telepono at sa kuha ng CCTV, makikitang lumabas siya ng gymnasium alas-9 ng umaga at sinundan ng isa pang suspek na si Arsani Membisa alyas Khatab/Hatab/Lapitos 20 minuto bago mangyari ang pagsabog.
“Bago nangyari yung pagsabog ay nakita po sila itong dalawa nating POIs na papalabas ng MSU at yung mismong yung isang POI natin ay it appears na tumawag po siya gamit yung cellphone niya. That might have triggered po itong pagsabog at immediately umalis kaagad agad sila ng MSU pagkatapos po nilang gumamit ng telepono,” sabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo.
“Yung isa mga POIs po natin, nakita rin po sa backtracking na umalis na po sila papalabas ng MSU,” dagdag niya.
Batay pa sa ulat, ang dalawang persons of interest at isa pang hindi pinangalanang suspek ay umano’y mga miyembro ng teroristang grupo na Daulah Islamiyah-Maute na may mga pending na warrant of arrest.
Si alias Khatad ay wanted sa kasong pagpatay, samantalang si alias Engineer ay siya umanong bihasa sa paggawa ng IED o improvised explosive devices. May warrant of arrest din siya para sa kidnapping at serious illegal detention.
Kaugnay nito, nagbigay ang mga otoridad ng P600,00 pabuya para sa makapagtuturo kay alias Engineer. Nagdagdag din sila ng reward para sa sinomang makapagtuturo sa kinaroroonan ng iba pang mga suspek.