Inihayag ng Department of Justice nitong Huwebes na hinatulan na ng Las Piñas Regional Trial Court ng pagkakakulong ng hanggang walong taon ang bilanggo na si Denver Mayores, na umamin na kasabwat siya sa pagpatay sa radio broadcaster na si Percy Lapid.
Ayon sa DoJ, inamin na umano ni Mayores na guilty siya sa pagiging bahagi sa ginawang pananambang at pagpatay kay Lapid noong Oktubre 2022.
“Las Piñas Regional Trial Court Judge Harold Huliganga pronounced the sentence, acknowledging Mayores’ conspiracy with former Bureau of Corrections chief Gerald Bantag and Directorate for Security and Operations Ricardo Zulueta in the murder of Lapid,” saad ng DoJ sa inilabas na pahayag nitong Huwebes.
Sinasabing may malakas na koneksyon si Mayores kina Bantag at Zulueta, na parehong nagtatago matapos lumabas ang arrest warrant laban sa kanila at may alegasyon na magkumpare pa umano sina Mayores at Zulueta.
Sa naunang inilabas na pahayag ni Mayores, sinabi nito na kinontak siya ni Zulueta na may “trabaho,” na ibig ang sabihin ay may ipapapatay.
Nang tanungin kung sino, sinabi umano ni Zuelata ang pangalan ni Lapid. Kasunod nito ay kinontak naman umano ni Mayores ang bilanggo na si Alvin Labra, at si Labra naman ang nakipag-ugnayan kay Aldrin Galicia, na namahala at naghanap ng kontak sa labas upang isagawa ang paglikida kay Lapid.
Ilang araw matapos patayin si Lapid, sumuko ang gunman na si Joel Escorial, habang pinatay naman sa loob ng New Bilibid Prison ang sinasabing middleman na bilanggo na si Jun Villamor.
Batay sa autopsy ng forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun, pinatay sa pamamagitan ng pagsaklob ng plastik sa ulo si Villamor.