Ilang linggo na lang ay mararamdaman na sa Pilipinas ang malamig na panahong dulot ng hanging Amihan. Tatagal lamang ito ng mga dalawang buwan kaya dapat namnamin ito ng husto ng mga mamamayan. Dahil pagkatapos nito ay daranasin naman natin ang nakakapasong init ng tag-araw, init sa labas ng bahay na umaabot ng mahigit 40 degrees Celsius sa termometro.
Sa katunayan, ngayong 2023 ang naitalang pinakamainit na taon batay sa mga sumusuri ng klima. Mas mainit ng 1.4 degrees Celsius ang temperatura ngayon kumpara sa panahon na nagsimula ang Industrial Revolution.
Realidad na ang sinasabing global warming dahil sa sobra-sobrang buga ng carbon dioxide mula sa paggamit ng tao ng fossil fuel o langis sa transportasyon at enerhiya. Kaya naman, nagtitipon ang mga bansa upang tugunan ang pag-init ng panahon dahil lahat ng tao sa mundo ay apektado ng pagbabago ng klima. Subalit hindi madali ang solusyon na pigilin ang pagtaas ng temperatura kung marami pa ring motor at makina ang tumatakbo sa diesel at petrolyo. Ang emisyon mula sa pagsunog ng krudo ang pinagmumulan ng CO2 na siyang nagpapainit ng temperatura.
Hindi rin basta-basta iiwanan o papalitan ng mga nagmimina ng fossil fuel at karbon ang kanilang negosyong malaki ang kinikita dahil kulang pa ang nagagawang alternatibong enerhiya mula sa renewable resources tulad ng araw, hangin, tubig, singaw (geothermal) at natural gas.
May mga stratehiya na napagkasunduan ang mga bansa upang pigilin ang pagtaas ng temperatura sa higit sa 1.5C ngayong dekada. Naririyan ang pagbabawas ng paggamit ng fossil fuel at karbon at pagdagdag sa mga planta ng kuryente na pinatatakbo ng renewable energy.
Sa COP28 na pagpupulong tungkol sa pagbabago ng klima na ginanap sa Dubai, dumalo ang maraming tagasuporta ng tradisyunal na enerhiya upang pigilin ang pag-phase out ng kanilang produkto. Ilang bansa rin ang nagsulong sa paggamit ng enerhiyang nukleyar na malinis naman ang buga sa hangin ngunit tila delikado at mahirap itapon ang nililikhang radioactive waste.
Kung hindi mababawasan ng mga bansang pinakamalalakas gumamit ng maruming enerhiya – Tsina, India at Estados Unidos – ang paggamit ng fossil fuel at karbon, mapapawalang-bisa nito ang pagsisikap nila mismo na dagdagan ang paglikha ng malinis na enerhiya mula sa araw, hangin, tubig at natural gas dahil magtutuloy ang malakas na emisyon ng CO2 na siyang nagpapainit sa mundo. Kailangang pangatawanan nila nang husto ang dagdag-bawas na stratehiya dahil kung hindi ay walang saysay ang paglaban nila sa climate change.