Siyam na tao ang nasawi sa magkahiwalay na pamamaril sa Estados Unidos ngayong linggo.
Sa Las Vegas, Nevada, tatlo ang namatay sa University of Nevada nang sila’y barilin ng isang lalaki alas 11:45 ng umaga nitong Miyerkules, pahayag ni Kevin McMahill, sheriff ng Las Vegas, ayon sa ulat ng Agence France Presse.
Isa sa mga nasawi ang mismong hinihinalang namaril sa isang mga estudyanteng kumakain at naglalaro ng mga board games sa labas ng gusali.
Sinabi ni McHahill sa mga reporter na may isa pang ang lubhang nasugatan bagaman stable ang kalagayan niya sa ospital.
Hindi sinabi ng pulis ang pagkakakilanlan ng namaril. Tinukoy lamang siya bilang isang 67 anyos na propesor sa kolehiyo sa Georgia at North Carolina. Hindi rin nilinaw ng pulis kung may kaugnayan siya sa University of Nevada.
Pinuri ni McMahill ang mga unang rumespondeng pulis sa krimen kaya napigilan ang mas maraming nabaril.
Isinailalim sa lockdown ang naturang unibersidad. Maging ang airport ng Las Vegas na malapit sa pamantasan ay pansamantalang nagsara.
Samantala, anim naman ang nasawi habang tatlo ang sugatan sa pamamaril na nangyari naman sa iba-ibang lugar sa San Antonio, Texas nitong Martes.
Nahuli ng pulis ang hinihinalang namaril na si Shane James, 34 anyos, at dating nagsilbi sa United States Army nang dalawang taon.
Nagsimula ang pamamaril ng suspek alas 10 ng umaga sa Austin, kung saan isang pulis sa isang paaralan ang binaril niya.
Isang oras ang lumipas ay nakatanggap ng ulat ang 911 na may lalaki at babaeng nasawi sa isang bahay sa 7300 Shady Wood Drive, San Antonio. Ang dalawang biktima ay mga magulang umano ng namaril.
Nangyari naman ang ikatlong pamamaril bago mag alas 5 ng hapon. Binaril ng suspek ang isang lalaking siklista.
Ang ikaapat na pamamaril ay nangyari pasado alas 6 ng gabi matapos makatangap ng ulat ang pulisya ng isang pagnanakaw sa Austral Loop at nakita sa isang bahay roon ang dalawang bangkay.
Si James ang hinihinalang responsable sa mga pamamaril, ayon kay Robin Henderson ng Austin Police Department.
Napag-alamang una nang naaresto si James noong Enero 2022 sa reklamong pambubugbog ng kanyang mga magulang at kapatid na babae. Nakalaya siya dalawang buwan ang makalipas habang suot ang isang ankle monitor na kalauna’y tinanggal din niya.
Ayon sa tala ng Gun Violence Archive, nasa 600 mass shootings na ang naganap sa Estados Unidos ngayon taon.