Nagdeklara na ng state of calamity ang Surigao del Sur dahil sa pinsalang dulot ng magnitude 7.4 na lindol at sunod-sunod na aftershocks na yumanig sa lalawigan at ang mga lokal na opisyal ay naglabas ng Resolution No. 1410-23, na pinalawak ang state of calamity declaration na naunang inihayag para sa bayan ng Hinatuan sa buong lalawigan upang pabilisin ang relief at rehabilitation efforts.
Sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, 116,217 pamilya o mahigit 30 percent ng populasyon ng Surigao del Sur ang naapektuhan.
Ang mga naiulat na pagkamatay ngayon ay nasa tatlo habang hindi bababa sa 48 iba pa ang nasugatan, ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Mahigit 800 bahay din ang fully damaged, habang 1,141 ang partially damaged.
Una na rito, ang pinsala sa imprastraktura at agrikultura ay umabot na sa mahigit P110.93 million.
Samantala, nasa P2.5 M na ang halaga ng pinsala sa agricultural sector dahil sa malakas na lindol.
Matatandaan na nagsagawa ng inisyal na assessment ang DA Regional Field office ng CARAGA para sa kaligtasan ng lahat.
Batay sa assessment, may mga natukoy na pinsala sa ilang kagamitan sa laboratoryo ng DA production facilities at stock lines mula sa seaweed farms.