Inihayag ng mga otoridad nitong Miyerkules na inihatid na ng lokal na pamahalaan pauwi sa kanilang lugar ang nasa 400 lumad makaraang magrambol ang ilan nilang kasamahan sa Davao City.
Ayon sa mga ulat, nag-ugat umano ang kaguluhan dahil sa hindi pagkakasundo sa hatian sa kanilang kinita sa pamamasko.
Base sa paunang imbestigasyon, nangyari ang rambulan noong Sabado ng gabi sa ilalim ng Agdao flyover at bukod sa suntukan, ilan sa mga kasali sa rambol ang may hawak na pamalo at nagkaroon din ng batuhan.
Kahit dumating na ang mga pulis, ilan sa mga lumad ang ayaw magpaawat at patuloy pa rin sa rambulan at ayon sa pulisya, anim na pasimuno ng gulo ang kanilang inaresto.
Sinabi ni Police Leiutenant Colonel Ronald Lao, hepe ng Sta Ana Police Station, na lumitaw sa imbestigasyon na nag-inuman ang ilan sa mga lumad at nagkaroon ng pagtatalo tungkol sa hatian ng kanilang nalilimos.
Dahil sa insidente, isinakay sa truck ng lokal na pamahalaan ang nasa 400 na lumad at inihatid sila sa kanilang lugar sa Talaingod.
Maliban sa nangyaring gulo, peligroso rin sa mga lumad ang manatili sa kalsada kasama ang mga bata.