Aminado ang aktres na si Janella Salvador na nais niya sanang magpahinga muna sa paggawa ng horror-suspense movies dahil nagsunud-sunod kasi nitong mga nagdaang taon ang pagbibida ni Janella sa mga horror at slasher films kaya parang gusto muna niyang umiwas sa mga proyektong may temang katatakutan.
Pero ayon sa kanya, nagbago ang isip niya nang i-offer sa kanya ang “Mallari” na pinagbibidahan ni Piolo Pascual na isa sa mga kalahok sa Metro Manila Film Festival 2023.
Inamin rin ni Janella na takot siyang ma-typecast sa mga horror films.
“To be honest with you, before I accepted this film, sabi ko sa sarili ko parang gusto kong munang magpahinga sa horror kasi parang nata-typecast na rin ako sa mga horror,” sabi ni Janella.
“My first film was ‘Haunted Mansion,’ it was horror. I did ‘Bloody Crayons,’ it’s also slasher film, then yung series naming ‘Killer Bride’ (with Maja Salvador). Parang naging tuloy-tuloy ‘yung horror, hindi siya nawala and I said gusto ko nang magpahinga,” dagdag niya.
Ngunit nang dahil kay Piolo at sa ganda ng materyal, napa-oo agad siya sa “Mallari.”
“As soon as I read the script, sabi ko, this is something na hindi ko pwedeng palampasin. It’s so well-written. It’s very detailed and beautifully written. Kinabahan ako nang slight kasi hindi ko lang makakatrabaho rito si Papa P, partner ko pa siya rito. Kinabahan ako pero I couldn’t let it pass,” sabi ni Janella.