Nagpahayag ng isang madamdaming mensahe ang aktres na si Bianca Umali para sa kanyang nobyong aktor na si Ruru Madrid para sa kanyang 26th birthday nitong nakaraan.
Nitong nakaraan kasi ay nag-post ang Kapuso actress ng photo ng binata na may caption.
“Sa dami ng mga taong maguunahan na bumati sayo, gusto ko ako na ang mahuli. Maligayang kaarawan sayo, Mahal ko. Wala na akong hihilingin pa na ibang makakasangga ko sa buhay na ito kundi ikaw. Kahit pa, kung meron man, sa mga buhay na nakaraan o sa hinaharap – ikaw at ikaw parin. Isa kang biyaya sa akin at sa mga tao na minamahal mo, tinutulungan mo at binibigyan mo ng inspirasyon,” sabi ni Bianca sa mensahe.
“Taglay mo ang isang puso na napakabusilak at naguumapaw sa kabutihan. Masaya at maswerte ako na nasisilayan ko lahat – ikaw bilang tao, ang puso’t isip mo – ang buong buhay mo na nasa tabi mo at hawak ang kamay mo. Hindi ako magsasawang alagaan ka, ipagmalaki ka at piliin ka sa araw-araw. Alam kong alam mo na mahal na mahal na mahal kita. Itaga mo sa bato. Andito lang ako. Ikaw ang ilaw ng buhay ko. Mahal tayo ng Ama,” dagdag niya.
Samantala, nagpasalamat naman si Ruru sa lahat ng bumati sa kanya sa kanyang kaarawan.
“Isang taon na puno ng pasasalamat sa lahat ng magagandang nangyari sa aking buhay. Marami mang pagsubok ang nagdaan, pero ito ang mga bagay na nagturo sa akin para maging matibay sa anumang hamon ng buhay na ibinabato sa akin sa araw-araw. Salamat sa lahat ng pagmamahal at suporta mula sa inyo. Pangako na hindi ako mapapagod gumawa ng mga bagay na makapagbibigay ng saya at inspirason sa inyong lahat,” sabi ng Kapuso star.
Nangako si Ruru na handang-handa na siyang harapin ang mga bagong challenges na darating sa kanyang personal life and showbiz career.
Sa bagong taon na ito sa aking buhay, nakahanda ako sa anumang paparating. Taas noo kong haharapin ang buhay na ito kasama kayo na nagbibigay ng inspirasyon sa akin. Muli, Maraming salamat sa inyo! Samahan niyo akong tuparin ang lahat ng mga pangarap natin,” pahayag ng binata.