Sa isang public survey tungkol sa batas sa diborsyo na itinutulak ng parehong Senado at House of Representatives, 51 porsyento ng mga tinanong ay tutol na magkaroon ng batas para sa paghihiwalay ng ikinasal na mag-asawa. May 41 porsyento naman ang pabor na magkaroon ng nasabing batas.
Hindi naman malinaw sa survey kung anong dahilan ng 51 porsyento ng 1,200 respondents at ayaw nila ng diborsyo. Gayundin sa mga pabor sa diborsyo.
Masasabing natatakot ang mga ayaw na hiwalayan sila ng kanilang mga asa-asawa dahil mawawalan sila ng sustento o masisira ang kanilang pamilya. Naririyan rin ang epekto sa kanilang reputasyon kapag dininig sa korte ang kaso nila.
At syempre, kapag naghain ng petisyon sa diborsyo, siguradong magastos ito sa mga respondent dahil mapipilitan silang lumaban at gumastos sa korte. Sa mga kaso ng annulment pa lang nga ay mahina na ang P200,000 na gastos sa paglilitis at bayad sa abogado.
Hindi lamang sa gastos sa paglilitis matutuyo ang bulsa ng hinihiwalayan. Mayroon ding alimony o sustento ng asawang diniborsyo sa humiwalay na asawa.
Sa mga pabor naman sa diborsyo, na ayon sa survey ay mga nasa mababang edad, matatapos ang kanilang kalbaryo na nakatali sa hindi nila gusto maging asawa. Maaaring iba ang gusto nilang makasama.
Siguradong suportado rin ng mga abogado, at mga mag-aabugado, ang batas sa diborsyo dahil dagdag na pagkakataon ito upang kumita sila, tulad nang sa mga nagpapa-annul ng kasal. Iyong mga abugadong humahawak na ng kasong annulment ay mas darami ang kliyente dahil ang bihasa na sila sa mga kasong hiwalayan.
At kung abot-kaya naman ang pagdinig ng kasong diborsyo, mas marami marahil ang maghahain ng petisyon na humiwalay sa asawa.
Tila mas maraming pakinabang kung magkakaroon ng batas sa diborsyo, lalo na iyong mga kikita sa mga ganyang kaso. Pero kikita nga ba ng husto ang mga abogado sa batas sa diborsyo kung kahit may-kaya ay ayaw gumastos sa mahal na abogado?
Kung magastos ito, tiyak na kaunti rin ang lalapit sa korte upang magpawalang-bisa ng kasal. Malamang ay magtitiis na lang sila na maghiwalay nang walang diborsyo o annulment. Marami naman ang gumagawa nito ang nakakapag-asawa ng iba.
Sa bandang huli, iyong may kaya lamang marahil ang makakapagpadiborsyo. Sadyang napakamahal mag-abugado ngayon at kahit naman noon. Kung nakasalalay ang saysay ng batas sa diborsyo sa pera imbes na sa pakay nitong matapos ang kalbaryo ng mga nagdurusang asawa, mawawalan ito ng silbi dahil hindi ito mapapakinabangan ng mga walang pera para mag-diborsyo.