Iniulat ng Malakanyang nitong Martes na nagpositibo umano sa coronavirus disease 2019 si si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa isang Facebook post naman, ipinaalam din ni Pasig Mayor Vico Sotto na mayroon siyang mild symptoms ng naturang virus.
Ayon sa Presidential Communications Office, patuloy pa rin namang magtatrabaho ang pangulo. Tuloy din ang kaniyang pakikipag-pulong sa pamamagitan ng teleconference.
“Upon medical advice, he will observe a period of isolation for five days,” saad ng PCO. “Updates on his health will be provided as available.”
Ayon pa sa PCO, hinimok ni Marcos ang publiko ngayong holiday season na, “to take precautions to safeguard their health, such as vaccinating and voluntary mask-wearing when entering crowded places.”
Kabilang umano sa ipinaalala ng pangulo ang boluntaryong pagsusuot ng facemask sa matataon at kulong na lugar at patuloy na magpabakuna.
Samantala, sa Facebook post ni Pasig City Mayor Vico Sotto, inihayag nito na nagpositibo siya sa Covid-19 test.
Nakararanas umano ang alkalde ng mild Covid-19 symptoms at humingi siya ng paumanhin sa mga nakatakda sana niyang pulungan ngayong linggo.
“Nakakainis!!! Nag positive pa sa covid (mild symptoms kaya nag-antigen ako)! Posting para humingi ng pasensiya sa lahat ng naka-schedule ngayong linggo!!” saad ni Sotto.
“Sunod pa rin tayo sa protocol, postponed/via zoom muna lahat hanggang mawala ang sintomas,” payo niya.