Isang pagsabog ang yumanig sa isang pamayanan sa Virginia, United States nitong Lunes.
Pinuntahan ng mga pulis ang isang bahay sa Arlington sa nasabing estado matapos ireklamo ng mga residente ang lalaking nakatira roon na nagpapaputok umano ng flare gun, ayon sa ulat ng Agence France Presse kahapon.
Ihahain na ng mga pulis ang search warrant sa nakatira nang bigla na lamang sumabog ang bahay at nasunog, pag-uulat ng Arlington County Police Department.
Nasira rin ang isang katabing bahay dahil sa malakas na pagsabog at sunog. Rumesponde ang mga bumbero sa lugar mga alas 8:45 ng gabi.
Wala namang nasawi sa pagsabog ngunit ilan sa mga pulis ay nagtamo ng maliit na sugat.