Inihayag ng Philippine National Police nitong Martes na itinaas nito ang alerto sa Metro Manila bunsod nang nalalapit na Kapaskuhan at ang nangyaring pagsabog sa Mindanao State University sa Marawi City habang nagdaraos doon ng misa.
“Ibig sabihin 75% ng total PNP strength po natin ay expected po natin na lalabas po para ma-sustain ang police visibility and presence natin,” sabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo.
Dagdag niya, pinalakas pa ang mga checkpoint katulad sa border Metro Manila at Bulacan. Gumagamit din ng K9 teams sa nga bus terminals, malls, at iba pang matataong lugar.
Hinigpitan din ang pagbabantay sa mga simbahan o mga sambahan dahil magsisimula na rin ang simbang-gabi sa December 16.
“Ang mga delikadong component na nakakapinsala ay concealed po ‘yan, kaya kailangan natin ng technical services lalong lalo na ng EOD (Explosive Ordnance Disposal ) K9 units,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Paolo Abrazado, commander of Quezon City Police District Station 7.
Paglilinaw naman ni Fajardo, wala namang namomonitor na banta ng pag-atake ng terorismo sa Metro Manila pero kailangan daw na dagdagan ang seguridad dahil na rin sa kapaskuhan.