Isa sa sinisising dahilan ng pagmasaker ng mga teroristang Hamas sa 1,200 tao sa timog Israel noong Oktubre 7 at pagdukot nila ng 240 na taga-Israel at mga banyaga ay ang kabiguang matunugan ang planong pag-atake ng mga Palestino. Bigo ang mga may responsibilidad na mag manman sa kalaban o mangalap ng impormasyon tungkol sa masamang balakin nila. Naturingan pa namang pinakamahusay sa mundo sa pag-iispiya ang Mossad, ang ahensyang pang-intelihensya ng Israel.
Dawit sa pagkukulang ang punong ministro ng Israel na si Benjamin Netanyahu dahil siya ang pinuno ng hukbo. Tuloy, kumukulo ang dugo ng mga mamamayang Israel sa paniniwalang may kapabayaan siya at sumisigaw sila na magbitiw na siya sa pwesto.
Kritikal ang tungkulin ng mga ahensyang katulad ng Mossad at kahit isang maliit na sablay ay may malaking epekto katulad ng nangyaring atake ng Hamas sa Israel. May ulat na hindi pinansin ng mga kinauukulan ang paghahandang atake ng Hamas at mananagot sila sa taumbayan.
Sa Pilipinas, mukhang sumablay din ang mga espiya ng militar at kapulisan dahil hindi napigilan ang pambobomba sa isang misa sa gym sa Marawi State University nitong Linggo na ikinasawi ng apat na tao at pagkasugat ng maraming iba pa.
Sabado ng gabi bago ang pagsabog, naiulat na may kumalat na text message na may mangyayaring pambobomba ngunit walang lokasyon, ayon sa tagapagsalita ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na si Naguib Sinarimbo. Bakit walang pumansin sa impormasyong ito na galing kay “Marites?”
Sa isa pang ulat matapos ang pambobomba, hinihinala ng mga otoridad na ang pambobomba ay ganti sa pagkamatay ng 11 kasapi ng teroristang grupong Dawlah Islamiya at isang lider ng grupong Abu Sayaf noong nakaraang linggo.
Kung may napatay ngang mga terorista ang militar at susundan ito ng paghihiganti, bakit hindi naghanda ang mga pulis at militar dito?
Ipinahayag ng teroristang grupong Islamic State na sila ang may pakana ng pagsabog sa MSU. Wala rin bang naka-espiya sa kilos ng grupo at hindi naunsiyami ang kanilang atake?
Hindi lang itong misa sa MSU ang pinutirya ng mga terorista. Noong Enero 2019 ay dalawang suicide bomber at umatake sa isang misa sa Cathedral of Our Lady of Mount Carmel sa Jolo, Sulu na ikinamatay ng 22 tao. IS rin ang nagsabing miyembro nila ang may kagagawan ng pambobomba sa simbahang Katoliko.
Kung ang mga bomb joke ay hindi pinalalagpas ng mga otoridad, bakit hindi pinansin ang mga tsismis na may pambobombang mangyayari?
Siguro naman hindi na dededmahin ng mga espiya ang mga pinag-uusap ng mga Marites upang hindi na maulit ang ganitong terorismo.