Imbes na mga basura at bote, isang bangkay ng lalaki ang tumambad sa isang mangangalakal matapos niyang buksan ang sako sa gilid ng kalsada sa North Caloocan.
Batay sa ulat nitong Martes, naispatan ng mangangalakal ang sako sa noong Lunes, pasado alas-tres ng hapon sa Barangay 176.
Ayon sa purok leader, hindi pamilyar ang mukha ng nasawi at hindi ito residente ng kanilang lugar.
Hindi pa natutukoy ng mga otoridad ang biktima sapagkat wala anila itong ID.
Batay sa pulisya, may indikasyon umano na sinakal ang biktima dahil may nakita silang asphyxia by strangulation.
Ayon sa mga otoridad, hindi ito ang unang beses na may nagtapon ng bangkay sa parehong lugar kung saan nakita ang biktima.
Patuloy pang gumugulong ang imbestigasyon sa krimen. Sa kasulukuyan din ay wala pang kamag-anak ang kumukuha sa bangkay ng lalaki.