Sunog na sunog ang mga bangkay na nakuha sa may bunganga ng pumutok na bulkan sa Indonesia nitong Linggo at tanging sa kanilang record sa ngipin, fingerprint o marka sa katawan ang makatutukoy sa kanilang pagkakakilanlan.
Ito ang sinabi ng mga forensic investigator habang pinaghahanap naman ang sampung hiker na nawawala matapos pumutok ang bulkang Marapi sa Sumatra, pahayag ni Abdul Malikmula ng Padang Search and Rescue Agency.
May 22 na ang naitalang namatay sa kalamidad kahapon batay sa ulat ng Agence France Presse.
Bumuga ng abong may taas na 3,000 metro ang bulkan nang ito’y pumutok.
Ayon sa ulat, patuloy pa rin sa pagbuga ng abo at usok ng bulkan kahapon na humahadlang sa paghahanap ng mga nawawalang hiker.
May 75 na tao ang nagpatala na aakyat sa Marapi simula Sabado. Mga 49 sa kanila ay nagtamo ng paso at bali sa katawan.
Ang paghahanap ay magpapatuloy sa loob ng pitong araw.
Ang Mt. Marapi, na nangangahulugang “bundok ng apoy” ay ang pinaka-aktibong bulkan sa Sumatra.