Iginiit ni Vice President Sara Duterte na dapat umanong pag-isipan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang napipintong peace talks ng pamahalaan at ng mga insurgents na sinabi niyang isang “agreement with the devil.”
Kung matatandaan, nagkasundo ang pamahalaan at National Democratic Front noong isang linggo na gagawa sila ng framework upang matukoy ang mga prayoridad para sa isasagawang peace negotiation.
“The government’s statement with the NDFP in Oslo was an agreement with the devil,” saad ng Bise Presidente sa kanyang Facebook message. “Napatunayan na natin sa kasaysayan na hindi sila seryoso at wala silang sinseridad sa usaping pangkapayapaan. Gagamitin nila itong peace negotiation sa pagtraydor sa pamahalaan at paglinlang sa taumbayan. We appeal to your power to review these proclamations and agreements.”
Huling nagkaroon ng usapang pangkapayapaan noong administrasyon ng ama ng Bise Presidente na si dating Pangulong Rodrigo Duterte — isang self-declared socialist at dating estudyante ni Jose Maria Sison, na naglunsad ng ilang dekada nang insurhensya.
Ang usapang pangkapayapaan sa ilalim ng nakaraang administrasyon ay nauwi sa mga pagbabanta at pagrereklamo, kung saan opisyal na itong pinutol ni Duterte noong 2017, na idineklara ang grupo na isang teroristang organisasyon at inaakusahan sila ng pagpatay sa mga pulis at sundalo habang isinasagawa ang negosasyon.