Hindi nakadalo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa unang araw ng pagdinig ng Quezon City Prosecutor’s Office kaugnay sa mga grave threats complaint na inihain ni ACT Teachers party-List Representative France Castro laban sa kanya.
Nirepresenta na lamang ang dating Pangulo ng dalawang babaeng abogado mula sa law firm ni dating Executive Secretary Salvador Medialdea.
Hindi ipinaliwanag ng mga abogado ni Duterte sa media kung bakit hindi ito nakadalo, pero ipinaliwanag ito ni Castro.
“Nandoon yung dalawang counsel ni ex-President Duterte at sinabi nila, ina-allege nila, wala pa daw natanggap si ex-President Duterte na subpoena at saka yung aking complaint,” saad ni Castro.
“Ngayon tinanggap ng dalawang counsel yung complaint-affidavit ko tsaka yung supplemental complaint-affidavit ko for today, kasama na rin yung pagsa-submit nila ng entry of appearance,” dagdag niya.
Naghain si Castro ng supplement complaint-affidavit na nagbibintang na muling binantaan ni Duterte ang kanyang buhay sa kanyang TV program na “Gikan sa Masa, Para sa Masa” na ipinalabas sa SMNI noong Nobyembre 16.
“Do not think, France na you have already—na may armor ka na dahil congresswoman ka, member ka ng Congress, na hindi ka na—na you are no longer—na hindi ka na vulnerable sa galit ng—karami namatay dyan na…pati pulis dahil sa inyo,” saad umano ni Duterte
“Kaya ikaw France, how do you solve the problem now? Kaya yun statement ko yun komunista dapat patayin, kasali ka, dapat!” dagdag niya.
Ayon naman kay Castro, ang mga pahayag ni Duterte ay “nagbanta na magdulot ng maling katumbas ng isang krimen” sa kanyang katauhan at karangalan, “nagsasabi ng mga banta ng pagpatay o kamatayan ng nagrereklamo.”
“It is not necessary that the Complainant herself actually feels intimidated or actually takes the words seriously, although in fact she was indeed intimidated as set forth in her Complaint-Affidavit,” saad ng supplemental complaint-affidavit ni Castro.