Inihayag ng Department of Migrant Workers nitong Lunes na nasa 61 na overseas Filipino workers mula sa bansang Lebanon ang nakabalik na sa Pilipinas kasabay sa isinasagawang repatriation efforts ng pamahalaan.
Ang repatriation ay kasunod ng pinangangambahang maapektuhan ang mga ito dahil sa pagsali ng grupong Hezbollah sa labanan sa pagitan ng Israel at grupong Hamas.
Ayon sa DMW, pinakahuli sa mga napauwi ay ang batch ng 19 Pinoys na dumating sa Pilipinas noong Sabado.
Sinabi ni DMW officer-in-charge Undersecretary Hans Leo Cacdac na tuloy-tuloy pa rin ang pag-alalay ng pamahalaan sa mga Pinoy na nakabase sa naturang bansa upang tuluyan na silang mapabalik sa Pilipinas.
Tiniyak naman ng opisyal ang tulong na ipamimigay sa mga OFWs na nais na ring bumalik sa Pilipinas, katulad ng mga nauna nang nakauwi dito.
Noong nakaraang buwan, nagpahayag ng pasasalamat ang Department of Foreign Affairs sa mga gobyerno ng Qatar, Israel at Egypt para sa kanilang pagsisikap na nagdulot ng pagpapalaya sa isa pang Pilipino.
Pinasalamatan ng DFA ang Estado ng Qatar sa pamamagitan ng pag-uusap na humantong sa pagpapalaya kay Noralyn Babadilla, na nasa bihag ng Hamas sa Gaza sa loob ng 53 araw.
Ang Qatar din ang nakipag-usap para sa naunang pagpapalaya sa isa pang Pilipinong bihag na si Jimmy Pacheco.