Ibayong hilakbot ang naranasan ng ating mga kababayan ngayon na nabiktima sa nangyaring pagsabog sa Mindanao State University sa Marawi City nitong Linggo ng umaga kung saan nasa 11 na umano ang naitalang namatay.
Nangyari ang pagsabog sa kasagsagan nang pagsasagawa ng misa sa gymnasium ng MSU kaya naman marami talaga ang napinsala at naitalang namatay.
Ang pag-atakeng ito ay inako na umano ng Islamic State o ISIS, na siya ring may pakana noong Marawi Siege noong 2017 kung saan talaga namang halos wala nang natirang mga nakatayong gusali dahil sa nangyari.
Hindi katanggap-tanggap ang ganitong klaseng karahasan, lalo na at may mas malalim na pinaghuhugutan ang lahat na may kaugnayan na rin sa nangyayaring gulo sa pagitan ng Israel at teroristang grupong Hamas.
May mga nagpapalutang kasi na baka nais na magkaroon na rin ng kaguluhan sa Mindanao na karamihan ay mga Muslim ang naninirahan.
Pero bagama’t nakapangingilabot ang nangyaring karahasan, hindi dapat panghinaan ng loob ang pamahalaan at bagkus ay dapat paigtingin nito ang seguridad sa lugar at ibuhos ang lakas nito sa pagtukoy at paghahanap sa mga salarin sa likod ng pagsabog.
Nagpakita na rin suporta ang ilang mga bansa para sa Pilipinas dahil sa insidente, na kinabibilangan ng Estados Unidos, United Kingdom, France, China, Canada at Australia.
Nagpahayag na rin ng kanyang pakikidalamhati si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian at sinabing walang puwang sa mundo ang mga karahasan laban sa mga sibilyan at inosente.
Maging si Australian Ambassador to Manila Hae Kyong Yu ay naglabas din ng solidarity message.
Ayon kay Yu, magpapatuloy na maninindigan ang Australlia kasama ang Pilipinas, at tutulong sa pagnanais ng huli na mapanagot ang mga responsable sa nangyaring pagpasabog.
Ang kailangan na lamang gawin ngayon ng pamahalaan ay tutukan nito ang isasagawang imbestigasyon. Kailangang mapanagot ang mga salarin sa likod na malagim na trahedyang ito.