Kamakailan lamang ay ipinatawag ni Senator Raffy Tulfo ang aktres na si Yassi Pressman sa kanyang programang “Raffy Tulfo in Action” matapos lumapit sa kanila ng Grab driver na si Raymart Guinto.
Ayon sa driver, ilang araw na raw niyang hindi nako-contact ang driver ng aktres na siyang nakabunggo sa kanyang minamanehong sasakyan sa BGC, Taguig City noong November 21.
Dagdag pa nito, nakausap rin naman niya noong araw na iyon si Yassi at sinabing makipag-ugnayan sa kanyang driver na si Domer Rabi na siyang nakabannga sa kanya. Nangako rin ang aktres na babayaran niya kung anuman ang mga damages sa kanyang sasakyan at ibabawas na lang sa driver basta ibigay ang quote sa kanya.
Ngunit nang makapagpa-estimate na raw siya kung magkano ang magagastos sa damage sa minamanehinh sasakyan ay hindi na sumasagot ang driver ni Yassi sa kanyang mga tawag.
Umabot na raw ng 11 na araw ang hindi niya pamamasada dahil sira pa rin ang sasakyan.
Kaya naman agad na pinatawag ng programa si Yassi upang tanungin ito kung ano na ang nangyari.
Sumagot naman ang aktres at sinabing hindi kasi nakarating sa kanya at maging siya ay nag-aantay kung magkano ang aabutin ng napinsalang sasakyan.
Humingi rin ng pasensya ang aktres dahil natagalan bago niya matugunan ang driver dahil hindi rin niya alam dahil hindi na rin nagtatrabaho sa kanya ang naturang driver.
Nangako naman si Yassi na ibibigay niya within the day ang P49,000 na gagastusin para sa bangga at isasama na rin niya ang P22,000 na nawala kay Raymart dahil hindi ito nakapasada ng 11 araw.
Ngunit may pa-plot twist pa ang dalaga dahil nagdesisyon itong magbigay pa ng extra bilang maagang pamasko sa driver at personal itong iabot sa kanya.