Iniulat ng Philippine Embassy sa Amman, Jordan na nasa walong Pilipino at isang Palestinian na kamag-anak ang nakalabas na sa Gaza at tumawid sa hangganan patungo sa Egypt noong Linggo ng umaga Philippine time.
“The Philippine Embassy in Amman guided and facilitated the safe exit of the 8 Filipinos and 1 Palestinian from Gaza. They were fetched by the Philippine Embassy in Cairo at the Egyptian side of the border where they were issued transit visas to Egypt,” saad ni Philippine Ambassador to Jordan Wilfredo Santos sa isang panayam.
Gayunpaman, inihayag ni Santos na isang pamilya ng walong Pilipino na naaprubahan na ang mga exit clearance ay nagbago ng kanilang isip at nagpasyang manatili sa Gaza kasama ang kanilang Palestinian na ama. Nasa Pilipinas na ang kanilang ina.
“Another Filipino with approved exit clearance reached the Rafah border crossing but decided to remain in Gaza when her Palestinian father was not permitted to exit the Palestinian side of the border,” saad ni Santos.
Sinabi ni Santos na 18 Filipino na lamang ang nananatili sa Gaza hanggang Linggo ng umaga.
Sa 137 Pilipino na nasa Gaza sa pagsisimula ng digmaan sa pagitan ng Israel at Palestinian Islamist group na Hamas, 119 o 86.86 percent ang inilikas ng Embahada ng Pilipinas sa Amman matapos muling buksan ang hangganan at pinayagang makalabas ang mga dayuhan at dalawahang mamamayan.