Pinatay ng mga sundalong Ruso ang mga sumusukong tropa ng Ukraine, ayon sa Kyiv.
Ang paratang ay batay sa isang video na naka-post sa Telegram kung saan ipinapakita ang dalawang lalaki na lumalabas sa isang shelter at isa sa kanila ay nakahawak sa ulo.
Humiga sa lupa ang dalawang lalaki sa harap ng grupo ng sundalo at sumunod nito ay narinig ang mga putok ng baril at may kumalat na usok. Naputol na ang video matapos makita ang usok.
Bagaman walang araw na nakalagay sa video kung kailan ito nakunan, hinihinalang nangyari ang pamamaslang sa bayan ng Avdiivka sa silangang Ukraine.
Hindi naman maberipika o makumpirma ng Agence France-Presse ang pangyayari at lugar kung tunay ito.
Kinondena ng ombudsman sa karapatang pantao ng Ukraine, Dmytro Lubinets, ang pamamaslang sa mga sumukong sundalo.
Sa kanyang post sa Telegram, binansagan ni Lubinets ang pamamaril sa mga sumukong sundalo na isang war crime.
Paglabag sa Geneva Conventions ang pagpatay at pagbalewala sa international humanitarian law.
Iginiit ni Lubinets na nadisarmahan na ang mga sundalong Ukrainian na sumuko at nakataas ang kanilang mga kamay kaya hindi sila banta sa mga Ruso.