Nitong nakaraang linggo ay may nakuhang bangkay ng lima hanggang anim na buwang sanggol sa may Ilog Pasig sa Binondo, Maynila.
May tambay na nakakita sa lumulutang na fetus malapit sa kalye ng Muelle Dela Industria at tulay ng Intramuros at kaagad niyang ipinagbigay-alam ito sa pulisya ng San Nicolas.
Nakabalot sa puting tuwalya ang fetus at nakasilid sa puting plastic bag, ayon sa pulis.
Tinitingnan ng mga imbestigador ang mga CCTV camera sa lugar upang malaman kung sino ang nagtapon ng fetus sa ilog.
Kaawa-awa ang sinapit ng walang kamalay-malay na sanggol sa sarili niyang ina o kung sinuman ang nag-itsa sa kanya sa ilog na parang basura lang.
Hindi lang ito ang kaso ng pagtatapon ng sanggol sa kung saan. May mga naiulat ring sanggol na buhay pa at natagpuan sa basurahan, bangketa o damuhan. May mga naagapan, nagamot at nasagip sa kamatayan. Ang iba naman ay hindi pinalad.
Ang pagtatapon o pagpatay ng sanggol ay isang krimen na ikakukulong ng salarin. Ngunit may mga ina o taong nakagagawa nito dahil marahil sa ayaw na malaman ng kanilang magulang o dahil ayaw sa responsibilidad sa anak.
Hindi palaging may tagapagligtas ng mga itinapon na sanggol. Kailangang magkaroon ng pagtugon sa ganitong suliranin upang mailigtas ang mga inosenteng bata sa kamatayan.
Sa Estado Unidos ay may batas na tumutugon sa mga inang tumatanggi sa sarili nilang sanggol. Layunin ng tinaguriang safe haven law na iligtas ang buhay ng sanggol na inabandona.
Alinsunod sa batas, naglagay ng tinatawag na baby hatch o baby box sa mga presinto, ospital at istasyon ng bumbero kung saan maiiwan ang sanggol na kanyang inang ayaw sa kanya. Hindi kakasuhan ang nag-iwan ng sanggol sa kahon at pangangalagaan ang kanyang pagkakakilanlan at privacy. Ang mahalaga ay ligtas na maaabandona ang bata, imbes na itapon na lamang kung saan-saan.
Bukod sa pagligtas sa abandonadong sanggol, nagsisilbing alternatibo ang baby box sa aborsyon at infanticide o pagpatay ng magulang sa sanggol.
May mga tututol dito kung iisiping pangungunsinti ang isang batas sa safe haven sa pag-aabandona ng mga sanggol o iresponsableng pagbubuntis lalo na ng mga kabataan. Hindi naman maitatanggi na marami ang kaso ng mga menor de edad na nabubuntis at nagsisilang, mga batang ina kung tawagin.
Ngunit kailangan munang subukan ito dahil sa mas mahalagang layunin ang makapagligtas ng buhay.
Sa lipunan nating bawal ang aborsyon, ang safe haven law ay naaangkop sa pagpapahalaga natin sa buhay ng tao, lalo na ng sanggol na walang kalaban-laban.