Iniulat ng mga otoridad na dalawang mangingisda ang namatay matapos silang tamaan ng kidlat sa magkahiwalay na lugar habang nasa laot sa Camarines Sur nitong nakaraan.
Base sa mga ulat, sinabing nangyari ang unang insidente noong Miyerkules sa karagatang sakop ng Lagonoy, Camarines Sur at nakita ng ibang mangingisda ang nawasak na bangka ng biktima na mula sa Barangay Mapid.
Tumulong sa mga mangingisda ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office para makuha ang katawan ng biktima upang maiuwi sa kaniyang pamilya.
Samantala, tumama naman ang kidlat sa isa pang mangingisda na nasa laot sa bahagi naman ng Tinambac sa Camarines Sur rin.
Nasawi ang 30-anyos na biktima, habang masuwerteng nakaligtas ang kaniyang ama.
Dahil sa pangyayari, nagpaalala ang mga awtoridad sa mga mangingisda at residente na ibayong mag-ingat kapag masama ang panahon.