Ngayong may tuldok na ang relasyon nina Kathryn Bernarso at Daniel Padilla, tiyak na hindi muna magtatambal ang dating nagmamahalan sa kahit na anong proyekto. Talagang kamya-kanya na muna sila.
Sa pagkawasak ng kanilang pagmamahalan, magkaka-alaman kung ano talaga ang magiging epekto nito sa kanilang mga karera. Bukas na aklat at kasaysayan sa showbiz na kapag ang isang love team ay nabuwag, ang simpatiya agad ng publiko ay sa babaing artista at ito ang mas nagtatagumpay sa showbizlandia.
Kaya nga, dahil wala na ang KathNiel, ang lahat ay umaasa na muling magtatambal sina Bernardo at Alden Richards. Alam naman natin kung gaano kasiksik, liglig at umaapaw sa takilya ang kanilang pelikulang “Hello, Love, Goodbye”. Panalong-panalo na magkasama muli ang dalawang relatively young superstars.
Umaasa rin ang lahat na makatambal ni Kathryn ang pinaka-mahusay na aktor ng millennial na henerasyon, si Joshua Garcia. Ibang acting dynamics at sparring, pati na rin emotional honesty ang tiyak na mapapanood pag pinagsama sina Bernardo at Joshua na dapat ay sa pelikula.
Pinahayag na rin ni Jericho Rosales ang kanyang hangad na makatrabaho si Queen Kath. Ay! Pasabog tiyak ang aktingan pag si Echo at Bernardo ang nagsama. Naway sexy drama ito para naman makita pa nating lalo na ready na talaga si Ms. Bernardo sa mature role. Bagay sa kanila ni Rosales yung mala-“Deliryo” na pelikulang pinagtambalan dati ni Jomari Yllana at Giselle Toengi o kaya yung mala-“Broken Marriage” nina Vilma Santos at Christopher de Leon.
Siyempre pa, a Gen Z film reincarnation ng “Ikaw Ay Akin”, kung saan si Queen Kath ang gaganap sa katauhan ni Nora Aunor at si Nadine Lustre ang bubuhay sa katauhan ni Vilma Santos. Hinog na ang panahon para sa kabuhang Kathryn versus Nadine sa pelikula. Endless ang artistic possibilities para kay binibining Bernardo, hindi ba naman?
Malaking pagsubok sa kakayahan ng mga namamahala ay namumuno ni Daniel ang susunod nilang hakbang lalo na nga’t diin na diin ito sa “pagtataksil”.
Sa ganang akin, “it takes two to tango” and to make a relationshipwork. At prangkahan na, “it also takes two” para mawasak ito. Kapwa may kasalanan at pagkukulang sina Bernardo at Padilla kaya humantong sa hiwalayan ang kanilang romansa at pagmamahalan.
Walang mas may lamang o mas malaking kasalanan. Pareho silang may sala.
At wala sa katwiran ang mga starlet sa paligid ni Kathryn, pati na rin ang mayorya ng mga KathNiel, ang patuloy nilang pagdiin kay Andrea Brillantes lalo na ngat wala silang matibay na ebidensya o resibong hawak. Lahat ay pawang haka-haka, ispekulasyonm mga kwentong iniimbento mula sa matatabang mga utak at mga nilalang na may panghuhusga na agad sa pagkatao at pagkababae ni Blythe.
Prangkahan muli, kung talagang mapaglaro ng apoy si Padilla, kaya ito tiniis lahat ni Bernardo ay dahil na rin sa estado ng kanyang karera at pera. Huwag siyang umarte na para bang siya lang ang nagtiis at nagdusa. May pinaghirapan at pinagtiisan rin si Padilla. Hindi natin sila kilala sa likod ng kamera. Hindi natin alam ang tunay nilang kahinaan at kalakasan bilang mga inibidwal, magkapareha na naging magkatipan.
At sa mga humahamon kina Padilla at Brillantes na magsalita na tungkol sa alegasyon, ano ang karapatan niyo para hilingin ito sa kanila? Saan galing ang pagmamalabis niyong iyan? Kung sakali bang umamin sila na talagang sila nga, kakayanin niyo ba at handa kayo sa ganug katotohanan? Mag-ingat sa mga hinihiling at sinusulong lalo na ngat nagmamasid at nakikisawsaw lang kayo sa relasyon.