Iniulat ng mga otoridad na pumalo na sa 11 ang naitalang namatay habang hindi bababa sa 40 ang nasugatan sa isang pagsabog na naganap sa Dimaporo gym ng Mindanao State University sa Marawi City nitong Linggo ng umaga
Ayon kay Philippine Army 1st Infantry Division commander Major General Gabriel Viray III, apat ang inisyal na naitalang namatay, kabilang ang tatlong babae at isang lalaki habang kasalukuyang ginagamot naman ngayon sa Amay Pakpak Medical Center ang nasa 42 na sugatan at ang walo ay nasa Infirmary ng Mindanao State University.
Base sa mga ulat, nangyari ang pagsabog habang nagdadaos ng misa sa nasabing gymnasium para sa unang araw ng Advent.
Sa ngayon naka-alerto ang pwersa ng militar sa lugar habang nagpapatuloy din ang imbestigasyon at nakadeploy na rin ang mga EOD team.
” Right now we are on hightened alert at our troops remain vigilant and dini-determine na ang motive ng incident and perpetrators to rally ascertain kung sino talaga and motive nila,” saad ni Viray.
Dagdag niya, ang insidente ay malinaw na isang aksiyon ng terorismo pero hindi pa umano nila matukoy ang signature ng bomba dahil patuloy pa rin ang imbestigasyon.
Dagdag pa nito na posible ang teroristang Dawlah Islamiyah Maute group ang nasa likod ng pamomomba.
Sa ngayon nasa 41 ang remnants ng Maute Group sa Marawi mula sa 100 noon.
Kamakailan nakasagupa ng mga sundalo ang teroristang grupo sa may Piagapo kung saan namatay sa labanan ang isa sa kanilang subleader.
Tinitignan din ng militar kung ang pagsabog sa Marawi City ay retaliation o paghihiganti ng teroristang grupo.
Samantala, tinukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na mga banyagang terorista ang nasa likod o responsable sa pamomomba kaninang umaga sa Marawi City at mariing kinondena ng Chief Executive ang insidente at sinabing gagawin ng gobyerno ang lahat para mapanagot ang mga ito sa kanilang hindi makataong ginawa.
” I condemn in the strongest possible terms the senseless and most heinous acst perpetrated aby foreign terrorists upon Mindanao State University and Marawi communities early this Sunday morning. Extremists who wield violence against innocent will always be regarded as enemies of our society,” saad ni Marcos.
Binigyang-diin ng Pangulo na kontrolado ng pamahalaan ang sitwasyon ngayon sa Marawi kung saan nasa full alert status ang militar at pulisya at binigyan na ng direktiba ang mga otoridad na hanapin ang mga sangkot upang mapanagot sila sa batas.
Nagpa-abot naman ng kaniyang pakikiramay ang Pangulo sa mga kaanak ng mga nasawi, pinasisiguro naman sa mga concernced agencies ang karampatang tulong para sa mga ito.
Nakikipag-ugnayan na rin ang gobyerno sa pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim at sa mga concerned agencies para sa kanilang agarang tugon para mapanatili ang kapayapaan sa lugar.
Inatasan na ng Pangulo ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na tiyakin ang proteksiyon at kaligtasan ng mga sibilyan partikular sa mga apektadong komunidad.
Dinagdagan na rin ang pwersa ng militar at pulisya sa lugar.