Sa kalaboso ang bagsak ng dalawang indibiduwal na pinaniniwalaang high-value targets sa magkahiwalay na anti-illegal drugs operations na ikinasa sa Antipolo City nitong nakaraan.
Unang nahuli ang isang 37 anyos na lalaki noong Martes ng gabi sa Barangay Mayamot, Antipolo City habang nahuli pasado alas nuwebe kagabi ang isang construction worker sa Barangay Dela Paz sa parehong lungsod.
Ayon kay Antipolo City Police chief Lt. Col. Ryan Manongdo, nagkaroon umano sila ng magandang intelligence report kaya nagsagawa sila ng sting operations upang mahuli ang dalawang target.
Nasabat sa unang nahuli ang 50 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P345,000 habang sa pangawalang nahuli ay 37 grams ng hinihinalang shabu rin ang nakumpiska na nagkakahalaga ng P255,300.
“Pag lumampas ka ng 20 grams matatawag ka na High-Value Individual. Nasa listahan ka, tapos sa mga previous operations is natuturo ka na source doon sa mga street level,” saad ni Manongdo.
Base sa imbestigasyon ng mga pulis may mga suki ang mga suspek na mga tricycle driver at iba pang madalas magpuyat.