Isang ginang ang naiulat na namatay matapos tumama ang magnitude 7.4 na lindol sa Hinatuan, Surigao del Sur noong Sabado ng gabi.
Batay sa mga ulat, namatay umano ang ginang nang mabagsakan ng isang gumuhong pader ng bahay. Naisugod pa sa ospital ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival habang nagtamo naman ng mga sugat ang kanyang asawa.
Sa ngayon ay ina-assess pa ng Tagum City Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang mga nasirang mga imprastraktura at mga nabiktima ng lindol.
Ang magnitude 7.4 na lindol na tumama sa baybayin ng Hinatuan, Surigao del Sur ay naganap alas-10:37 ng gabi. noong Sabado sa lalim na 25 kilometro, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ilang bahay at imprastraktura sa Mindanao ang napinsala matapos ang magnitude 7.4 na lindol na yumanig sa Hinatuan, Surigao del Sur noong Sabado ng gabi.
Sa Hinatuan, tatlong bahay ang totally damaged at isa ang partially damaged, base sa inisyal na impormasyon na natanggap ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office nito.
Ayon naman kay Hinatuan, Surigao del Sur MDRRMO officer Jerome Ramirez, tinitingnan na rin nila ang integridad ng mga structures na maaaring napinsala ng lindol.
Dagdag niya, may ilang residente na rin ang bumalik sa kanilang mga kabahayan matapos bawiin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang tsunami warning nito.
Sa Davao City, kung saan naitala ang Intensity 5, ilang establisyimento at istruktura din ang nakitang may mga bitak matapos ang lindol, ayon kay Davao CDRRMO operations assistant at information officer Ezzra James Fernandez.
Pansamantala ring isinara ang southbound na bahagi ng Bolton Bridge dahil sa malalaking bitak. Nagtamo rin ng mga bitak ang ilang overpass sa lungsod.