Isang 26-anyos na babaeng nagdadalantao ang nasawi matapos umanong masagasaan ng isang wing van sa Danao City, Cebu at ayon sa pulisya, nangyari ang trahediya sa Barangay Looc.
Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na tumatawid ang biktima at pauwi na nang mahagip at magulungan ng wing van na agad niyang ikinasawi.
Tinangka pa umano ng driver na tumakas pero hinabol siya ng mga pulis na malapit sa lugar at naaresto sa kalapit na bayan ng Carmen.
Ipinaliwanag naman umano ng driver na natakot siyang kuyugin ng mga tao kaya tinangka niyang tumakas. Nahaharap siya sa reklamong reckless imprudence resulting to homicide.
Napag-alaman na patungong Leyte ang wing van para maghatid ng noodles.
Mayroon pang dalawang anak na naulila ang biktima.