Pumanaw kahapon ang batikang komedyante at satiristang si Jun Urbano o mas kilalang Mr. Shooli sa edad na 84
Ibinalita ng kanyang anak na si Banots Urbano sa kanyang Facebook ang paglisan sa mundo ng anak ng Pambansang Artista sa Pelikula na si Manuel Conde “I will cherish this moment for the rest of my life. I love you so much dad, until we meet again,” sulat ni Banots sa kanyang post na may kasamang litrato nila ng kanyang ama bilang Mr. Shooli na nagduduwelo ng de-ilaw na espada. Suot ng kanyang ama ang Mongolian costume para sa kanyang sikat na karakter.
Sumikat si Manuel Jun Urbano Jr. bilang komedyante at satirista sa katauhan niyang si Mr. Shooli, isang kathang-isip na taga-Mongolia na may Tsinoy na punto kung magsalita.
Lumabas sa telebisyon at kalaunan sa pelikula si Mr. Shooli. Napapanood siya sa Mongolian Barbecue noong dekada 80, kung saan ginawa niyang katatawanan ang mga sosyal at pampulitikang isyu noong panahon na iyon.
Nagkaroon rin siya ng sariling pelikulang “Mr. Shooli: Mongolian Barbecue” at “Juan Tamad.” Naisama rin siya sa mga teleseryeng “Wildflower” at “Ang Probinsiyano.”
Bago nag-artista, nagtrabaho ang graduate ng journalism sa Ateneo sa industriya ng advertising. Direktor siya ng mga komersyal sa TV nang 35 taon.
Edad 50 nang siya’y mag-showbiz at dito niya inimbento ang karakter na si Mr. Shooli upang magkomentaryo sa kultura at pulitikang Pilipino sa anyong komedya.
Siya mismo ang gumagawa ng skits ni Mr. Shooli.
Si Urbano ay pinarangalan ng UP College of Mass Communication ng UP Gawad Plaridel ngayong taon bilang pagpupugay sa kontribusyon ng actor-direktor sa larangan ng komedya.