Isang batang lalaki mula Lapu-Lapu City, Cebu ang pinagpasapasahan ng ospital matapos niyang makalulon ng limang pisong barya na bumara sa kanyang lalamunan.
Sa ulat nitong Sabado, ikunwento ng ina ng apat na taong gulang na bata na humingi ng barya ang kanyang anak noong Huwebes. Matapos nito ay nakita niyang sumuka ang kanyang anak.
Inamin ng ina na sa umpisa ay binalewala niya ang pagsuka ng anak.
“Nagtaka ang aking partner kung bakit sumuka. Ako nag-expect lang na nakakain siya sa paninda doon sa amin na parang jelly,” aniya.
Nang muling nagsuka ang bata, dinala na nila siya sa isang community hospital sa kabilang isla.
Doon ay sinubukan umanong pakainin ang bata ngunit ininda niya ang sakit ng lalamunan. Isinailalim sa X-ray ang paslit at doon na nakita ang baryang nakaharang sa kanyang lalamunan.
Pinalipat sa ospital sa Lapu-Lapu City ang mag-ina ngunit wala namang gamit para alisin ang barya sa lalamunan niya kaya pinapunta sila sa Vicente Sotto Memorial Hospital sa Cebu City.
Sa oras ng pagsusulat ng balitang ito ay wala pang impormasyon sa ina ng bata kung natanggal na ang barya sa lalamunan ng kanyang anak.
Nagbigay-payo naman ang pamunuan ng ospital sa mga magulang na maiging bantayan ang kanilang mga anak lalo sa edad na 3 hanggang 4 dahil nasa oral phase ang ganitog edad kaya’ kanilang inilalagay sa bibig ang anumang makita nila.