Sa kalaboso ang bagsak ng isang 28 anyos na lalaki sa huling araw ng kaniyang panunungkulan bilang Sangguniang Kabataan chairman ng isang barangay sa San Juan City matapos na ireklamo ng pangmomolestiya ng bagong halal na SK councilor.
Base sa mga paunang ulat, nangyari umano ang pangmomolestiya ng suspek sa kuwarto ng isang resort sa Talisay, Batangas sa huling araw ng tatlong araw na training ng mga bagong halal na Sangguniang Kabataan officials kasama ang mga outgoing SK officials.
Kinilala ang suspek na si Jovher Sagara na nakakulong na ngayon sa Talisay Municipal Police Station.
Sa reklamo ng 20 anyos na biktima, kakatapos lamang nilang mag-inuman kasama ang suspek bandang ala-singko ng madaling araw nang magkaayaan sila na maglugaw sa labas ng resort.
Pumasok umano ang biktima sa kwarto para hanapin ang susi ng kotse nang magulat siya nang bigla siyang gawan umano ng kahalayan ng suspek.
“Bigla niya po ako niyakap, hinalik-halikan ako sa leeg and pinipilit nya po tanggalin yung strap ng bra ko,” sabi ng biktima. “Pumalag po ako, tinulak ko po siya, kapag katulak ko po tumakbo po ako palabas.”
Kasama ang mga kaibigan, nagsumbong ang biktima sa Talisay Police Station na agad na umaresto sa suspek.