Inaresto ng mga otoridad ang isang 21-anyos na lalaki na nanakit umano ng dalawang traffic enforcers sa General Luis Street, Novaliches, Quezon City, Miyerkoles ng tanghali.
Base sa mga paunang ulat, nagmamando ng daloy ng trapiko ang dalawang traffic enforcers ng Novaliches District Center nang harangin nila ang nakamotorsiklo na suspek dahil walang suot na helmet.
“Sa halip na ibigay ang lisensya ay nakipagtalo ito nang isyuhan siya ng mga traffic enforcer ng ordinance violation receipt, hanggang sa humantong sa pananakit. Ang ginawa ng rider ay dumire-diretso, hinabol ng traffic enforcer natin, so nung inabutan hinihingi yung mga legal na dokumento. Imbes na magpaunder siya sa otoridad, sinaktan niya pa ang enforcer,” ayon kay Police Captain Mel Tomulto, Duty Shift Supervisor ng Novaliches Police Station.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng Novaliches PNP at inaresto ang suspek.
Paliwanag ng suspek, galing siya ng bahay at papunta ng Novaliches proper nang mangyari ang insidente.
“Nagsimula kasi ‘yun mam ginitgit kami, naipit ‘yung binti ng girlfriend ko, ayaw nila ako tiketan. Binibigay ko na wallet ko, lisensya. Pero tumabi ako finlag down niya ako, ayaw niya magpaticket,” dagdag ng suspek.