Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ginagawa na ng pamahalaan ang lahat upang maiuwing ligtas ang 17 Pilipinong seafarers na nabihag ng Yemeni rebel group Houthi matapos nitong salakayin ang isang cargo ship sa southern Red Sea.
Ayon sa Pangulo, kailangan nang asikasuhin ang nasabing insidente upang masigurong makakauwing ligtas ang mga Pinoy seafarers.
“Alam naman ninyo may mga bagay na kailangan agad na asikasuhin. Isa na dun ‘yung ating mga kababayan, mga kapwa Pilipino natin na na-hostage, labimpito sila na na-hostage at ginagawa natin lahat ng paraan upang sila ay maiuwi na,” sabi ng Pangulo.
“At sa – kaya’t binubuo natin ang isang delegasyon para pumunta sa kanila at makipag-usap dun sa mga may hawak sa kanila para makauwi na sila. Kaya’t, siguro naman maunawaan ninyo, na inuna muna natin ‘yan dahil kailangan nating tiyakin ang syempre ang seguridad ng ating mga kababayan,” dagdag niya.
“Patuloy naman ang aming ginagawa upang ang ating mga kababayan ay maging maganda naman ang kanilang sitwasyon at sa lalong madaling panahon ay sana makauwi na sila,” sabi pa ng Pangulo.
Samantala, pinasalamatan ng Pangulo ang mga overseas Filipino workers sa kanilang kontribusyon sa ekonomiya ng Pilipinas at nangakong makikipagkita sa kanila sa kanyang susunod na biyahe.
Ang Houthis, isang kaalyado ng Iran, ay naglulunsad ng malayuang missile at drone salvoe patungo sa Israel bilang pakikiisa sa mga militanteng Hamas na nakikipaglaban sa Gaza Strip.
Sinabi ng Israel na inagaw ng mga Houthis ang isang barkong kargamento na pagmamay-ari ng Britanya at pinamamahalaan ng Hapon sa katimugang Pulang Dagat, na naglalarawan sa insidente bilang isang “Iranian act of terrorism” na may mga kahihinatnan para sa internasyonal na seguridad sa dagat.
Sinabi ng Houthis na nakuha nila ang isang barko sa lugar na iyon ngunit inilarawan ito bilang Israeli.