Isang construction worker sa Barangay District 1 sa Cauayan, Isabela ang natiklo ng mga residente na siya umanong nagnanakaw ng mga bra at panty na nawawala sa kanilang lugar.
Base sa mga ulat, sinabing pinuntahan ng ilang residente ang bahay ng isang construction worker na lalaki sa Barangay District 1 dahil sa nawawalang kalan at nang makita ang kalan, nadiskubre rin nila ang ilang mga damit, bra at panty na aabot sa dalawang sako ang dami.
Madilim sa loob ng bahay kaya nagpatawag sila ng barangay at doon na bumungad ang sikreto ng suspek.
Ayon sa mga residente, ilang buwan na silang nawawalan ng mga sinampay.
“Ang sampayan namin sa mismong garahe namin. ‘Yung ibang damit hindi ko ma-notice kung nalalabhan ko siya,” ayon sa isang residente.
Ayon naman sa suspek, nagagawa lamang niya ang pagnanakaw kapag nalalasing siya.
“Noong in-interrogate sa barangay, trip lang daw niya [kaya niya ginagawa],” ayon sa kagawad batay sa interogasyon nila sa suspek.
At nang tanungin kung ano ang ginagawa niya sa mga ninakaw na bra at panty, paliwanag umano ng suspek, “hinihigaan lang niya.”
Hindi na nagsampa ng reklamo ang mga residente laban sa suspek pero napagkasunduan na dapat na siyang umalis sa barangay.