Inihayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas na posibleng pumalo sa 4% hanggang 4.8% ang domestic inflation rate ng bansa para sa buwan ng Nobyembre 2023 na mas mabagal kumpara sa 4.9% na naitala noong buwan ng Oktubre.
Ayon sa BSP, ang mas mataas na presyo ng ilang mga agricultural items, kasama ang power at toll rates sa bansa ay isa sa mga nakikitang dahilan ng inaasahang mas pagbagal pa ng inflation sa bansa.
Dagdag pa nito, ang pagtaas naman ng presyo ng liquefied petroleum gas ay tinatayang isa rin sa mga dahilan ng pagtaas ng presyo noong Nobyembre.
Kung matatandaan, noong buwan ng Oktubre 2023 ay nakapagtala ng pagbaba sa domestic inflation rate ang mga kinauukulan matapos ang pagtaas nito sa nakalipas na dalawang buwan kung saan nakitaan ng pagtaas ang presyo ng ibang mga pangunahing bilihin, tulad ng bigas, karne, at ilang gulay.
Samantala, hindi pa rin gumagalaw ang presyo ng lechon sa La Loma sa Quezon City para sa buwan ng Disyembre ng taong kasalukuyan.
Ayon sa mga nagtitinda ng lechon sa La loma, wala pa ring paggalaw ang presyo ng lechon dahil anila, waala namang pagbabago sa presyo sa pagkuha nila ng baboy sa mga supplier.
Sa kasalukuyan, mabibili pa rin ang paboritong lechon baboy sa mga presyong P8,000 para sa 7-8kg na lechon. P9,000 para sa 9-10kg na lechon. P10,000 para sa 11-12kg, samantalang ang 20 kilograms naman ay nagkakahalaga ng P18,000.
Gayunpaman, makakabili pa rin ang mga suki ting-tingi na lechon na nagkakahalaga ng P1,200 kada kilo.
Inaaasahan na rin ang pagtaas ng presyo ng lechon sa mga susunod na linggo/Holiday seasons kung saan mataas ang demand nito.