Bawal na ang mga cellphone sa loob ng mga paaralan sa New Zealand.
Ito ay pinahayag ni Pangulong Christopher Luxon kahapon bilang tugon ng pamahalaan sa bumababang antas ng literacy sa bansa.
Dating mataas ang iskor ng New Zealand pagdating sa larangan ng literacy ngunit ang antas ng pagbasa at pagsulat ng mga mag-aaral ay bumagsak sa puntong sinasabi ng mga mananaliksik na may krisis sa mga klase.
Ang pagbabawal sa cellphone sa klase ay siya ring patakaran sa Estados Unidos, Britanya at Pransya. Isa rin ito sa mga ipinangako ni Luxon noong nangangampanya siya para sa halalan.
Makakatulong ang pagbabawal ng cellphone sa klase sa pagpigil ng istorbo sa mga estudyante at pagtulong na sila’y makapag-pokus, ayon kay Luxon.
“Gusto naming matuto ang mga estudyante at gusto naming magturo ang mga guro,” aniya.
Nagbabala ang New Zealand Charity Education Hub sa literacy crisis nitong nakaraang taon matapos malaman na mahigit isang-katlo ng mga kinse anyos na estudyante ay hirap magbasa at magsulat.
“Malinaw ito na dapat may gawin upang tugunan ang nakakabalisang antas ng literacy sa bansa,” ayon sa nasabing organisasyon.