Natimbog sa magkahiwalay na operasyon sa Cebu ang isang Briton at Amerikano na wanted sa kanilang bansa dahil sa kasong may kinalaman sa sekswal na pang-aabuso.
Ayon sa ulat, naaresto si Derek Heggie sa kanyang tirahan sa Cebu City dahil sa kasong panggagahasa sa 11-anyos na anak ng kanyang kinakasama.
Batay sa Bureau of Immigration, isang mixed martial arts fighter ang Briton.
“Isa siyang MMA Fighter at underground bare-knuckle fighter. Sa mga video na nakita namin, nag-oorganize siya or sumasama siya sa underground fights sa UK at dito sa Pilipinas. Sinasabing ito ang source of income niya dahil inuupload niya ito sa Youtube,” wika ni Rendel Sy, hepe ng Fugitive Search Unit ng ahensya.
Samantala, nahuli naman si John Thomas Minor sa naturang probinsya na siyang may kasong pang-aabuso sa dalawang menor de edad sa Amerika.
“Alam na niya na lalabas ang warrant niya kaya pumunta na siya dito sa Pilipinas para dito magtago,” ani Sy.
“They are considered as a danger to our women and children kaya naglabas agad ang BI ng mission order para hulihin ang dalawang ito,” dagdag niya pa.
Nasa kustodiya na ng Bureau of Immigration ang dalawa habang inaasikaso ang kanilang deportation.