Iginiit ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na dapat bigyan ng kaukulang respeto at paggalang ng Senado at House of Representatives si dating Pangulong Rodrigo Duterte kung sakaling dumalo ito sa mga pagdinig sa mga resolusyon na humihimok sa administrasyong Marcos na makipagtulungan sa imbestigasyon ng International Criminal Court sa drug war.
“Ibigay natin sa kanya what is due to our former president dahil nagtrabaho po siya sa ating bayan. Ang sabi ko, Pilipino po dapat ang humusga sa kanya hindi po banyaga. Pilipino po ang dapat humusga,” saad ni Go sa isang panayam.
Ayon pa sa senador, hindi pa nila napag-usapan ni Duterte ang mga ICC resolutions pero nakipag-usap na umano siya sa legal team ng dating Pangulo.
Nang tanungin kung dadalo nga ang dating Pangulo sa mga pagdinig, sinabi ni Go na ang pagpapasya ay na kay Duterte na.
“I’m sure he is a lawyer. Alam niya po ang batas, alam niya po ang ginagawa niya,” sabi ni Go.
Kung matatandaan, nagsilbing Special Assistant to the President si Go noong Pangulo pa si Duterte.
Samantala, suportado rin ni Go si Senator Ronald “Bato” dela Rosa, na naunang nagsabi na siya ang “number two accused” sa ICC investigation dahil siya ay nagsilbing Philippine National Police chief noong panahon ni Duterte.
“Sinusuportahan po namin si Senator Bato bilang ka-partido at kasamahan sa Senado. Naniniwala po ako na ginamapanan lang po ni Senator Bato dela Rosa ang kanyang tungkulin bilang chief PNP nung panahon ni Pangulong Duterte,” sabi ni Go.
Nitong nakaraang Miyerkules, in-adopt ng House Committees on Justice at Human Rights ang tatlong resolusyon na nananawagan sa gobyerno na makipagtulungan sa ICC investigations.
Sinabi naman ni Dela Rosa na iginagalang niya ang mga nangyayari sa House of Representatives.
“Wala akong comment. I observe inter-parliamentary courtesy. Antayin na lang natin kung makalusot sa plenary… Okay lang, walang problema. Trabaho nila yan eh…. May mangyayari ba kung sasama loob ko? Wala namang mangyayari. Ako lang ang matatalo n’yan pag sasama ang puso ko. Baka ‘yung puso ko maapektuhan pa,” sabi ni Dela Rosa.
Nitong Lunes rin ay nagsumite ng kaparehong resolusyon si Senator Risa Hontiveros.