Inihayag ng Israel Embassy nitong Huwebes na sumasailalim na ngayon sa isang medical evaluation ang babaeng overseas Filipino worker pinalaya ng Hamas matapos nitong ma-hostage nang atakihin ng teroristang grupo ang Israel noong nakaraang buwan.
Ayon sa embahada, dinala sa Tel HaShomer Hospital ang Pilipinang si Noralyn Babadilla na dinukot sa Gaza para sa naaangkop na mga medical assessment.
Si Babadilla at ang kanyang kasamang Israeli, na kinilalang si Gideon, ay bumisita sa kanilang malalapit na kaibigan sa Kibbutz Nirim noong Oktubre 7 nang salakayin ng Hamas ang Israel, pumatay ng daan-daan katao.
Gayunpaman, ayon sa embahada, si Gideon ay pinatay ng mga militanteng Hamas.
Dagdag dito, si Babadilla at ang isa pang Filipino national na pinalaya ng Hamas na si Jimmy Pacheco ay makakatanggap ng suporta mula sa Israeli government.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pakikipag-ugnayan ng iba’t-ibang bansa upang tuluyan nang mapalaya ang binihag ng Hamas.
Samantala, labis naman ang kasiyahan ng mga kamag-anak ni Babadilla at ayon sa kanila ay hindi sila nawalan ng pag-asa na buhay siya matapos madukot.
Kuwento ng mga kaanak ni Babadilla, bago ang pag-atake ay nakausap pa nila ang OFW at sinabi nito na hindi siya makakauwi sa Pilipinas.
Ayon kay Gerald Agojo, nagtungo ang kaniyang tiyahin na si Babadilla sa Kibbutz Nirim kasama ang mga kaibigan nito nang mangyari ang pag-atake ng Hamas.
“Mga friend ‘yung kasama niya doon. Bale, parang umattend sila ng party doon that time, and then biglang nangyari ‘yung pagpasok sa kanila ng mga Hamas,” ani Gerald.
Tatlong dekada na si Babadilla sa Israel na nagtatrabaho doon bilang caregiver at isa na ring Israeli citizen. Nitong Martes ng gabi, kasama siya sa bagong grupo ng mga bihag na pinalaya ng Hamas.
Ang tiyahin ni Babadilla na si Mary, sinabing kumapit sila sa pag-asa at dasal na buhay ang kanilang kaanak matapos na hindi makontak mula nang mangyari ang pagsalakay ng Hamas.
“Ang aking iniisip eh, Panginoon. Hindi ko inisip na siya eh namatay, hindi ko inisip na hindi na siya makakabalik,” sabi ni Mary.
Dagdag naman ng pinsan na si Matilde Orense, “Hindi ako nawalan ng pag-asa dahil hindi naman nakita ang bangkay, wala namang nakakapagsabing nasunog, walang nakakapagsabing nakita siya doon. Kaya habang may buhay may pag-asa.”