Dalawang pampasaherong eroplano ang magkasunod na nasiraan habang lumalapag sa parehong airport at parehong araw sa Tanzania.
Ang unang eruplano ng Unity Air na may sakay na 30 pasahero, dalawang piloto at isang flight attendant at galing sa isla ng Zanzibar ay nagkaroon ng problemang teknikal habang lumalapag sa Kikoboga airport sa Mikumi National Park nitong Martes, ayon sa ulat ng Agence France-Presse.
Sa ulat ng New York Post, bumagsak ang isang gulong nito at lumiko papalabas ng runway. Tinamaan ng isang pakpak ng eruplano ang isang gusali bago huminto na nakatutok sa lupa ang ilong nito.
Wala namang nasaktan sa mga pasahero at crew dahil sa pag-iingat ng mga piloto, ayon sa Tanzanian Park Authority.
Ilang oras matapos ang aksidente ng eruplanong Unity Air, isa namang eruplanong parehong modelo, Embraer, na papunta sa Zanzibar ang nakaranas ng halos parehong aberya.
Bumagsak naman ang ilong ng papalipad na eruplanong may sakay na 30 pasahero, dalawang piloto at dalawang flight attendant. Napaliko ito at bumangga rin ang sa isang gusali.
Wala ring nasaktan sa mga sakay nito.
Hindi pa tukoy ng mga kinauukulan ang dahilan ng pagsemplang ng dalawang eroplano.