Isa sa mga kilalang komiks noong dekada sitenta ang Wakasan. Bagaman may pagka-Hapones ang pangalan ng babasahin, ito ay hindi anime kundi salitang Pinoy na tumutukoy sa uri ng mga kuwentong mababasa sa komiks na iyon na wala na ngayon. Ibig sabihin ay may wakas o buo ang mga kwento at hindi serye na ang kadugtong ay mababasa sa susunod na isyu ng komiks na kada linggo o dalawang beses isang linggo iniimprenta dati.
Maihahalintulad sa laman ng Wakasan komiks ang nangyayari ngayong pagbibigay ng administrasyong Marcos ng amnestiya sa mga rebeldeng komunista at Muslim. Winawakasan ng amnestiya ang Patayan ng mga sundalo at rebelde, at paninira ng mga ari-arian at buhay.
Isang linggo matapos mag-alok si Pangulong Marcos ng amnestiya sa mga rebelde, sinundan ito ng kasunduan ng pamahalaan at mga komunista na ituloy ang usap kapayapaan. Ang tumbok ng pag-uusap na ito ay maihahalintulad rin sa mga kwento sa Wakasan komiks o ang pagtatapos ng deka-dekadang engkwentro at patayan ng mga sundalo at rebelde.
Bagaman nagkakaroon ng usap-kapayapaan ang pamahalaan at mga komunista at New People’s Army tuwing may bagong administrasyon, lagi itong napuputol at tuloy muli ang labanan. Sa nakaraang administrasyon, pinalaya ang ilang bilanggong kasapi ng mga rebolusyonaryo upang makalahok sila sa negosasyong pangkapayapaan sa ibang bansa. Ngunit dahil tuloy ang labanan habang nag-uusap sila, nahinto rin ang pag-uusap at muling hinuli ang mga pinalayang namumuno ng Partido Komunista at NPA.
Palaging usap-away, usap-away ang nangyayari ang magkabilang panig. Maaaring ganito rin ang kahihinatnan ng usap-kapayapaan ng mga rebelde at pamahalaang Marcos.
Ngunit may katagang walang forever at ngayon na siguro magwawakas ang tila walang katapusang insureksyon kung magkakasundo na ang ang dalawang panig.
Mas mainam na magkaroon ng tigil-putukan hanggang nag-uusap ang dalawang panig upang mas tumaas ang tsansa na magtagumpay ito at magkasundo na sa kapayapaan. Susunod rito ang pagkakaroon ng kasunduan, permanenteng tigil-putukan at pagsusuko ng mga rebelde at ng kanilang mga armas.
May mga komiks dati na ang mga kwento ay hindi nagtatapos sa isang isyu at kailangang bumili ng susunod na isyu ang nagbabasa upang mabasa ang kasunod na kabanata hanggang sa umabot sa dulo at matapos ang buong kwento. Pero sa Wakasan ay isang basahan lang at tapos ang kwento.
Napapanahon nang wakasan ang paulit-ulit na sirkulo ng patayan, usapan, patayan na walang patutunguhan. Ilagay na natin sa Wakasan ang madugong kasaysayan ng rebolusyong komunista upang ibang kwento ng buhay naman, isang kwentong masaya, ang ating babasahin o mararanasan.