Inihayag ng Manila Zoo na sakit sa puso umano ang ikinamatay ng elepanteng si Vishwa Ma’ali, o Mali ayon sa resulta ng pagsusuri sa kaniyang mga labi.
Ayon kay Manila Zoo veterinarian Dr. Heinrich Patrick Domingo, congestive heart failure ang dahilan ng pagpanaw ni Mali, batay sa resulta ng isinagawang necropsy sa bangkay ng elepante at natuklasan din na mayroon siyang cancer.
“Nakita namin iyon aorta, iyong tubo palabas ng kaniyang puso, ito po ay may makapal na taba na nakabara. Maaari iyon po ang naging cause ng pagkamatay niya, iyong congestive heart failure,” sabi ni Domingo.
“Nahihirapan na po iyong puso niya i-pump iyong enough blood sa katawan dahil sa dami ng organs na affected po sa kaniya,” dagdag niya.
May nakita rin umanong mga bukol sa paligid ng ilang organ ni Mali gaya ng pancreas at kidney at ayon pa kay Domingo, namamaga ang bato ni Mali at nababalutan ng taba.
Pumanaw si Mali sa Manila Zoo dakong 3:45 p.m. nitong Martes.
Sabi ni Domingo, napansin nila noong Biyernes na iritable si Mali na paikot-ikot sa kaniyang kulungan na tila hindi maganda ang pakiramdam.
Tinalakay umano ng mga nagbabantay ang kanilang naobserbahan. Nitong Sabado, nawalan ng ganang kumain si Mali at ikinakaskas ang kaniyang trunk sa pader.
Nagpatuloy umano ang hindi magandang kondisyon ni Mali sa sumunod na araw. Hanggang nitong Lunes, hindi naubos ni Mali ang kaniyang pagkain at panay umano ang inom ng tubig.
Ayon naman kay Manila Mayor Honey Lacuna, tinatayang nasa 43 taon ang edad ni Mali, na ipinadala sa Pilipinas ng Sri Lankan government noong 1981, at hindi 1977 at plano umano ng Maynila na ipreserba ang mga labi ni Mali sa pamamagitan ng taxidermy.
Makikipag-ugnayan din umano ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa Sri Lankan government para alamin ang posibilidad na makakuha ng panibagong elepante para sa Manila Zoo.